Monday, January 8, 2018

BASURA SA GOBYERNO (Shared by: #MyFriend MT)


Hindi ko matandaan kung kursong 201 o 102. Biglang sumagi sa aking isipan ang isang alaala ng tikhang Filipino noong ikalawang taon ko ng pag-aaral ng elektrikal na inhinyeriya. Noong panahong iyon, ako'y isang mahiyaing probinsyano na lumuwas ng Maynila upang makapag-aral.

Kami ay nagkaroon ng takdang-aralin, isang maikling talumpati. Ako ay kinabahan, hindi alam ang gagawin. Aking naisip ang kahihiyan sa pagtayo sa harap ng mga kamag-aral pagdating ng araw ng talumpati. Tinanong ko ang aking sarili, “Ano ba ang aking paksa?”

Nang matapos ang eskwela ako ay umuwi sa aking tinutuluyan sa ParaƱaque. Sa biyahe ko namasid ang araw-araw na problemang pangkapaligiran na kinakaharap nating lahat. Ito ay ang basura.

Sa halos dalawang taon kong pag-aaral sa Maynila ay naranasan ko ang isang bagay na 'di ko naranasan sa probinsya. Kapag umuulan, lagi na lang bumabaha. Mula sa aking pagbaba sa istayson ng D Jose sa LRT at paglakad sa kahabaan ng Recto ay may mga tulay at tawiran na kailangan mong magbigay ng barya para makatawid ka. Kung hindi mo iyon gagawin, mapipilitan kang lumusong sa maitim na tubig baha. Nagkakaroon din ng napakahabang trapiko dahil hindi makausad ang mga dyip bunga ng umaapaw na mga estero. Naranasan ko na ring maglakad ng ilang kilometro dahil sa tindi ng ulan at baha sa lansangan.  Minsan pa nga ay nasaksihan ko ang daan-silong sa harap ng FEU na puno ng tubig baha at naguumapaw na mga plastik at styrofoam. Balitang baha dulot ng basura ay laging mambubulaga tuwing umuulan.

Dahil sa alaala ng basura, doon natuon ang aking pansin. Nagbasa. Nanaliksik. Ano ang maaaring gawin sa problemang iyon? Natuklasan ko ang 'recycling', pangangalakal ng basura na ginagawang kabuhayan ng iba, paglalagay ng mga maayos na tapunan sa lansangan, mga karatulang tagapag-alala kung paano ang wastong pagtapon ng basura, at palagiang pagkolekto ng mga ito mula sa lokal na pamahalaan.

Unti-unting nagkalaman ang aking isipan tungkol sa paksa ng basura. Ngunit dahil ang talumpati ay ilang araw pa kailangan, hindi ko muna sinulat ang aking talumpati. Ako ay mayroon pang panahon para magsaliksik at palawakin ang aking kaalaman.

Ngunit ako ay nagulat! Sa sumunod na pagpasok ko sa tikhang Filipino ay aking natuklasan ang biglaang pagbabago sa palatuntunan. Ang inakala kong talumpati na sa susunod na pagkikita pa magaganap ay kailangan na pala ng araw na iyon. Hindi man handa dahil talumpati ay hindi ko naisulat, ako ay pumunta sa unahan ng silid-aralan. Binalot man ng hiya ay hinarap ko pa rin ang aking guro at mga kamag-aral. “Bahala na,” aking nasambit sa isipan.

Ako ay nagsalita. “Mayroong ginto sa basura, kung papaano ito lilinangin ay kailangang magsimula ito sa ating mga sarili.” Nagkumpas-kumpas ang aking mga kamay. Ang mesa ng aking guro ay nahampas ng mahina. Ang aking diwa ay dinala ng alab ng aking naipong kaalaman tungkol sa basura. “Tandaan ninyo ang sinabi ni Dr. Jose Rizal na ang kabataan ay pag-asa ng bayan,” sinimulan kung tapusin ang talumpati. “Tayong mga kabataan ang siyang mangangalaga at magmamahal sa ating kapaligiran upang maiwasan ang lumalalang problema ng ating bayan.” Sa pagtatapos ng klase, ako ay napuri ng aking guro. Ako lamang daw ang umasta na tunay na nagtatalumpati sa aming magkakaklase.

Hanggang ngayon, nakatanim pa rin sa akin ang bagay na iyon. 'Pag kumain ako ng kendi, ang pinagbalutan ay binubulsa ko. Pagkatapos kong kumain sa mga fastfood shops, nililigpit ko ang kalat ko at itinatapon ko sa tamang tapunan. Kung ako man ay naglalakad at may bote akong plastik na naubos ko na ang laman ay 'di ko ito itinatapon kung saan-saan. Bagkus ay bibitbitin ko at dadalhin ko ito sa tamang tapunan. Simpleng bagay lang ang mga ito, kayang gawin ng bawat isa upang makatulong sa kapaligiran at sa bayan.

Subalit ngayon, may mas matinding basurang nagpaparumi sa ating bayan. Ito ay ang mga basura sa gobyerno, mga taong nailuklok na sa halip na itaguyod ay binabagsak pa ang ating bansa. Nasaan na nga ba ang mga opisyal na taglay ang mga katangiang pagiging matiyaga, mapagmahal, masipag at magalang? Ang ama ng bayang ito na siyang dapat nagtuturo ng kabutihang asal at gagabay sa mga mamamayan ay ang mismong nagdadala ng kahihiyan at naglalagay sa mababang estado sa ating lahat. Basurang masasabi ang mga bagay na lumalabas sa kanyang bibig; walang habas na pagmumura, panglalait ng kanyang kapwa at pagsisinungaling. Ang kanyang mga alipores ay pangsariling adhikain ng ama nila lamang ang iniisip at hindi para sa bayan. Tulad ng kanilang ama, basura din ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Sabi nga, kung ano ang puno ay siya ring bunga.

Kailan kaya magkakaisa ang ating mga kababayan para linisin ang basura sa gobyerno? Mananatili na lang ba na tayo ay natatabunan ng basurang sa kanila nanggaling? Aantayin pa ba natin kung kailan tayo ay hindi na makaaahon at makakahinga? Itigil na natin ang pagbubulag-bulagan at tumulong na upang tuluyan nang malinis ang ating bayang mahal.

#PunchTheLiesšŸ¤›

No comments:

Post a Comment