Friday, January 5, 2018

EDSA (Shared by: #MyFriend)




Kaibigan, mayroon akong kuwento. Halina at pakinggan mo ako.

Taong 1981 ng nagdeklara ang dating pangulong Ferdinard Marcos ng paglisan ng Batas Militar (Martial Law). Sa murang pag-iisip, napatanong ako kung ano iyon. Ikinuwento ni Mama ang ginawa ng aking Lolo noong panahon ng Hapon. Siya daw ay tumulong sa Huk, kasama ang mga kaibigan at kaklase na humayo sa kabundukan.

Dahil sa Batas Militar na nagsimula noong 1972, si Lolo daw ay napa-isip ng todo kung sino ang aalayan niya ng tulong. Nagka-isa ang mga anak ni Lolo na manahimik, para na rin sa kaligtasan ng mga apo ng pamilya. Ang aking Mamang (Lola) ay idinaan na lamang sa dasal ang mga pangyayari.

Agosto 23, 1983. Ito ang araw ng kamatayan ni Ninoy. Agosto 31. Tumagos sa damdamin ng maraming tao ang petsa na ito, lalo na sa aking pamilya. Subalit tanging ang dalawang kuya ko lamang ang nakapunta sa libing ni Ninoy Aquino.

Taong 1984 ng pumanaw si Lolo. Abril naman ng taong 1986 sumakabilang-buhay si Mamang. Sa kabutihan ng kapalaran, naabutan pa niya ang pagpalit ng gobyerno. Saksi si Mamang sa pagsama ng aming buong pamilya sa naganap na rebolusyon, ang mga kuya sa Veritas at GMA-7 at kami sa martsa sa EDSA (matapos marinig ang tinig ni Cardinal Sin sa radyo). Hindi lahat ng kapatid ni Mama ay sumang-ayon sa desisyon ng aming pamilya. Ngunit dahil kilala si Mama sa kanyang kakaibang tapang (at katigasan ng ulo), hindi na sila nagtangkang tanungin siya.

Kami na walang grupo na sinalihan. Kami na hindi mo sasabihin na nakaranas ng hirap ng Martial Law. Kami na kung ituturing mo ay karaniwang tao lamang ay sumamang magmartsa sa EDSA, taong 1986.

Iyon ang aking unang pagsali, hindi man nakasuot ng dilaw na damit. Tanging si Mama at ang isang kapatid ko ang may larawan sa EDSA, ako ay wala. Subalit may larawan man o wala, sa aking alaala ay nakatatak ang aming partisipasyon sa mga kaganapan sa EDSA.

Nakatatak sa akin na kahit isang karaniwang tao ka lamang, mayroon kang boses. Nakatatak sa akin na bansa ko ito at may karapatan akong magsalita. Dahil sa rebolusyon sa EDSA noong 1986, itong boses na ito ay naging malaya. Itong boses ay lumakas pa, kahit wala akong grupong sinalihan.

Ang mga dating pangulong Cory Aquino at Fidel Ramos, Cardinal Jaime Sin, at Juan Ponce Enrile, sila ang mga matatawag na bayani ng EDSA. Ngunit sa aking batang kaisipan noon, ang mga taong nasa paligid ko sa EDSA ang mga bayani. Ang mga kapwa ko karaniwang tao.

- Mula sa isang karaniwang tao, Pilipino, na lumalaban para sa ikagaganda ng bansa maka ilang dekada na.


#PunchTheLies­čĄŤ

4 comments:

  1. this only a little portion of what happen sa buong pinas. but still thanks sa pagshare sa iyong karanasan/kaalaman.

    ReplyDelete
  2. feels good to reminisce, mabuhay!

    ReplyDelete