Thursday, January 11, 2018

SAAN NA KAYA AABOT ANG P500 MO? (Shared by: #MyFriend MT)


Early 90’s nung magsimula akong tumira sa isang bahay-tuluyan sa Kalookan habang tinatapos ang pag-aaral ng Elektrikal na Inhinyeriya sa University of the East. Noong una akong tumuntong ng Maynila, ako ay nanuluyan sa aking kamag-anak sa Parañaque. Subalit dahil sa layo nito sa aking pinagaaralang unibersidad, aking napagtanto na mas mabuting lumipat na lamang ng tirahan sa Kalookan upang makatipid ng oras at pamasahe araw-araw.

Pamasahe, pagkain, panglaba ng damit, at gamit pampaligo, pati pamasahe pauwi sa Nueva Ecija, aakalain mo bang napagkakasya ko ang aking sustento na limang daang piso sa loob ng dalawang linggo? Pasalamat ako sa “buy-one, take-one” ng Scott Burger na aking naging meryenda at hapunan. Laking tipid din ang dinulot niyon.

Subalit minsan, ang aking pagtitipid ay sumasabit. Minsan ay hindi ako nakakasama sa mga gimik ng barkada at nakukuntento na lamang sa mga kwento nila tungkol sa mga lakad na wala ako. Dahil sa kakapusan ng pera, minsan ay nagawa kong magpa-ending sa mga laro ng basketbol sa PBA sa mga kakilala at kaklase upang kumita. Pati ang pagtatanggal ng himulmol, sobrang sinulid, at tela sa mga pantalon sa aming kapitbahay na patahian ay pinatos ko. Minsan ay naglalakad na lamang pauwi ng bahay-tuluyan kapag malamig ang panahon. Tuwing nauwi ng probinsya, ang palengke ay ginagawang tambayan upang magkargador. Lahat ng ito ay ginawa upang madagdagan ang sustento sa pag-aaral.

Sa awa ng Diyos at sa sipag na aking nanay sa pananahi at pag-aalaga ng manok at baboy, ako ay nakatapos ng pag-aaral nong Marso 1995. Pagkalipas ng dalawang buwan ay nakapagtrabaho ako bilang isang service engineer sa isang kumpanya sa lungsod ng Quezon kung saan ako at namahala ng mga motor at makina.

Nagsimula na akong kumita ng pera sa aking trabaho ngunit ako noon ay may napansin? Aking limang daang piso sa loob ng dalawang linggo ay hindi na magkasya. Mula sa labing-apat na araw na itinitagal ng halagang iyon, ito ay bumagsak sa pito. Isinisi ko ang pagtaas ng bilihin, petrolyo, at kung anu-ano pa kung bakit nagkaganoon.

Dalawang dekada na ang lumipas mula ng panahong iyon. Paano na kaya ang mga mag-aaral ngayon? Magkano ang kanila sustento sa paaralan araw-araw? Umaaray ba ang mga magulang nila sa mga gastusin?

Nandito na ang ang TRAIN Act (Tax Reform for Acceleration & Inclusion)  ng pamahalaan, TRAIN na sinasabing magbibigay kaginhawaan sa mga mamamayan dahil sa pagbawas sa binabayad na buwis. Pero ano naman ba ang naging kapalit nito? Ang pagpapataw ng buwis sa mga pang-araw-araw nating mga bilihin. Kung susumahin ay maaaring higit pa sa buwis na dating ibinabayad. Ang TRAIN ba na ito ay mabilis na paraan para iangat ang ating buhay o ito ang maglulugmok sa atin sa mas malalim na kahirapan? Isa ba itong pabalat bunga lang na nagsasabi ng maganda subalit isang patibong sa huli?

Ngayon, saan na kaya aabot ang P500 mo? Mag-isip ka kaibigan.


#PunchTheLies🤛

No comments:

Post a Comment