Sunday, January 28, 2018

WAR ON DRUGS: Ang Selebrasyon na Nauwi sa Libingan (A True Story by: JAM, the #PunchTheLies)


(Ito ay hango sa tunay na mga pangyayari ngunit ang mga pangalan ng taong bahagi ng kuwento ay binago bilang paggalang.)

“Pagbabago! Kailangang mapabagsak ang mga kurakot sa gobyerno!”

Iyan ang sagot sa akin ni Anna, isang Pinay na nagtratrabaho sa isang salon kung saan ako ay regular na customer ng Moroccan bath.

“Anong rason kung bakit kay Duterte ang suporta nyo?” ang tanong na ibinigay ko sa kanya pati sa ilan niyang kasamahan bago niya idineklara ang kanyang hangad na pagbabago. Tatlong beses sa isang buwan ako pumunta sa kanilang salon kaya si Anna at ang kanyang mga kasamahan ay hindi na estranghero sa akin. Noong kasagsagan ng kampanya para sa halalan noong 2016, mauumay ka sa kanilang walang katapusan na usapan - si Rodrigo Duterte. Narinig ko pa noon ang kanilang pagmamalaki sa pakikipag-away sa mga taong kritikal kay Duterte sa Facebook.

“Kailangan po ng pagbabago, Madam,” inulit ni Anna.

“War on drugs!” sagot naman ng isa pang Pinay, si Nina. “Kailangan matigil na ang mga drug addicts para mawala na din ang mga kaso ng rape at patayan. Ang mga addict ang gumagawa ng lahat ng iyan.”

Namangha ako sa kanyang sinabi. “Kung walang nagbebenta, walang addicts. Bakit mga addicts lang ang nabanggit mo?”

Limang minutong katahimikan ang aking natanggap.

Nagtanong akong muli. “Sa anong paraan ninyo gusto mawala ang mga drug addicts?”

“Dapat mahuli silang lahat!” sagot ni Anna.

“Dapat mawala na sila!” sambit ni Nina.

“Anong sabi mo?” Bumilis ang tibok ng aking puso. “Mawala as in mamatay?”

Si Anna ang tumugon. “Basta po ang alam ko kung walang drug addicts, magiging mapayapag ang Pilipinas. Naniniwala kaming kayang linisin ni Duterte ang bansa sa loob ng tatlong buwan.”

“Ganun na lang?” Nanlisik ang aking mata. “Paano na ang mga drug lords? Hindi ba dapat sila ang mahuli dahil kung wala sila, walang addict?”

“Kayang-kaya yan ni Duterte, Madam. Matapang siya. Siya ang kailangan ng bayan!” Lumakas ang boses ni Nina.

Aking napagtanto na wala ng patutunguhan ang aming usapan. “Sana nga matupad ang inaasam ninyo. Ang sa akin lang, walang ayaw sa pagbabago. Walang ayaw sa war on drugs pero depende yan sa paraan kung paano ipapatupad.” Ako ay lumisan na mula sa salon.

Dumaan ang eleksyon. Nanalo ang kanilang minamahal na si Duterte bilang bagong Pangulo ng Pilipinas. Sila ay nagtatatalon, habang naluluha, sa saya matapos marinig ang resulta. Nag-organisa pa sila ng handaan upang magdiwang.

“Madam! Madam! Nanalo po si Duterte. Patay ngayon ang mga kurap, mga drug addicts at lahat ng salot sa bansa. Malilinis na ngayon ang Pilipinas!” sinabi nila sa akin ng muli kaming magkita sa salon. “Welcome pagbabago!” Ginawa nila ang fist sign na ginamit ni Duterte noong kampanya sa harap ko.

“Congratulations,” ang tanging salitang aking nasambit.

Lumipas ang apat na buwan. Ang daming namatay bunga ng war on drugs: kabataan, mga menor de edad, at pati mga matatanda. Tinanong ko sila kung ano ang kanila masasabi sa mga patayan.

“Drug addicts naman po yun,” tugon ni Anna.

“Pati mga bata?” Tumaas ang isa kong kilay.

“Collateral damage, Madam,” dagdag ni Nina.

Kumulo ang aking dugo. Hindi ko napigilan ang pagtaas ng boses. “Wow! Collateral damage talaga? Paano sila naging drug addicts? Saan at kanino galing ang mga binili nilang drugs? Bakit hanggang ngayon wala man lang nahuli o napatay na drug lord?”

Katahimikan. Lumamig ang hangin at nagbutil ang mga pawis nila sa noo. Nabasag ang katahimikan ng sumagot ang isa sa matinis na boses. “Kasalanan yan ni De Lima! Siya ang dahilan kung bakit nagkalat ang drugs at mga drug addicts!”

“Huwag niyong mabanggit-bangit at isisi kay Senator De Lima na siya'y ikinulong ng walang ebidensya,” laban ko. “Bakit ngayon nakakulong na, hawak na nila ang Bilibid pero bakit hindi nagbago ang sitwasyon ng bansa sa droga.”

Nakabibinging katahimikan muli.

Nagsalita ako habang patalikod at palisan. “Kung pamilya nyo maging biktima, sasabihin nyo ba na collateral damage pag bata? Sasabihin nyo bang drug addict kung hindi sya drug addict? Huwag sana maging panatiko sa anumang partido at sa sino mang politiko. Bayan ang usapan dito. Buksan lang ang mga mata. Magmatyag. Tingnan ang bawat pangyayari. Manood at makining sa totoong news huwag sa fake news. Piliin ang tama, manindigan para sa bayan.“

“Thank you po, Madam,” napilitan nilang naisagot.

Dumaan ang dalawang linggo. Hindi ko inaasahan ang eksenang nadatnan ko pagbalik sa salon.

“Huhuhu. Huhuhu. Pinatay nila ang kapatid ko,” hagulgol ni Anna. Yakap-yakap niya si Nina. Umaapaw ang luha sa kanilang mga mata. Nakita nila ako at biglang lumapit sa akin. Ikinagulat ko ang kanilang pagyakap.

“O anong nangyari?” tinanong ko habang nakaramdam ng kaba sa dibdib.

“Madam, pinatay nila ang kapatid ko,” sagot ni Anna. Hindi tumigil ang pagluha nilang dalawa.

Hinigpitan ko ang aking yakap. “Oh my God. I'm so sorry. Bakit pinatay?”

“Hindi ko pa alam, Madam. Drug addict daw pero alam ko na hindi naman. Mabait po kapatid ko. Simpleng estudyante lang po sya ni hindi nga nakikipagbarkada.”

Hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking luha. Kahit hindi ako ang namatayan ay ramdam na randam ko ang sakit. Mabigat. Mahirap. Wala akong masabi para mapagaan ang loob nila. Kahit ang salitang “condolence” ay hindi ko kayang banggitin. Iba pala kapag ang namatay ay biktima ng karahasan. 

Nag-isip ako kung paano makakatulong kay Anna. “Gusto mo bang umuwi sa Pilipinas?”

Siya ay tumango. “Sana po, Madam. Pero walang-wala po ako.”


Nanaig ang aking puso at humanidad. Tinawagan ko ang kanyang employer upang bigyan siya ng emergency leave at plane ticket. Ang pakiusap ko ay napaunlakan naman. Binigyan ko na din siya ng pocket money. Gusto kong tanungin, “Worth it ba ang war of drugs?” Ngunit di ko tinuloy. Sa loob ng aking puso ay alam ko na ang sagot.

#PunchTheLies🤛

4 comments:

  1. Parang ipinakikita din ng Maykapal sa kanila na maranasan nila ang nais nila na ganyan ang dulot ng pinapatay na parang mga Insekto lang.

    ReplyDelete
  2. Tama ang instinct ko sa una pa lang ng Presidenteng ito kaya d ako sumuporta dito.

    ReplyDelete
  3. racetams A big thank you for your blog article.Thanks Again.

    ReplyDelete