Saturday, February 10, 2018

PILIPINAS KONG MAHAL (Shared by: #MyFriend Madonna Sandison)



Pilipinas Kong Mahal


O Pilipinas kong Mahal,
Saan ka napadpad at bakit kay bagal mong umusad?
Napagod ka ba sa paglulugmok sa'yo
Ng mga taong halang ang kaluluwa?
O sadyang hindi ka na kilala
Ng mga taong mukhang pera?

Unti-unti ng nalalagas ang iyong kagandahan
Dahil sa pagsakop sa'yo ng mga dayuhan.
Unti unti ng nalalagas ang iyong kasiyahan,
Dahil sa isang pinuno na hari sa kademonyohan.

O bakit Pilipinas kong sinisinta,
Kay tagal mong umusad at tumayo sa pagkakadapa?
Ilang buhay pa ba ang maglalakad sa EDSA upang ipagtanggol ka?
Ilang bata pa ba ang lalaking matapang upang sagipin ka?
At ilang nanay pa ba  ang iiyak sa pangungulila sa mga anak,
Mga anak na tumindig at tumayo para ipaglaban ka?

O Pilipinas kong Mahal,
Ilang tula pa ba ang aking bubuuin upang magising ka?
Ilang araw pa ba ang masisilayan
Upang makita na patuloy itataas ang iyong bandila?

Gigising at makakatayo ka pa ba
Kung ang mga Pilipino ay patuloy kang sinusuko?
May pag-asa pa ba
Kung ang kapwa mo Pilipino ay patuloy kang nilulugmok?
Sisikat pa ba ang araw sa iyong bandila
Kung ang lider ng bayan mo'y patuloy kang kinakaila?

Hindi dito magtatapos ang mithiin kong patuloy kang masilayan,
Bayan kong aking sinilangan.
Pag-asa ko ay patuloy kong makakamtan.
Paa ko'y patuloy na aapak sa lupa kong kinagisnan,
At ang Pilipinas kong Mahal patuloy kong ipaglalaban.



#PunchTheLies🤛

No comments:

Post a Comment