Tuesday, August 28, 2018

ANONG IBIG SABIHIN NG GOBYERNONG FEDERAL SA BAWAT PILIPINO? (By: Philip Lustre, Jr)


ANONG IBIG SABIHIN NG GOBYERNONG FEDERAL SA BAWAT PILIPINO?

By: Philip Lustre, Jr

1. Nangangahulugan ang gobyernong federal ng mas maraming buwis.

Kailangang sumuka ang mga Pilipino ng tatlong uri ng buwis: pangnasyonal (o federal tax), pang-estado (o state tax), at panglokal (local tax). Itinakda ng mga kasalukuyang batas ang buwis pangnasyonal at panglokal sa pamamagitan ng mga batas pambansa at ordinansang panglalawigan o panglunsod. Hindi sila basta-basta mapapalitan.

Sapagkat ang mga panukalang pagbabago sa Saligang Batas ng pagkakahati-hati ng bansa sa 18 federadong estado, nangangahulugan ang pagkakaroon ng isang gobyernong federal ng karagdagan sa burukrasya. Magkakaroon ang bawat federadong estado ng State Government na binubuo ng State Executive, State Legislature, at State Judiciary.

Nangangailangan ng karagdagang buwis para mapatakbo ang karagdagan sa burukrasya. Sa huli, magiging labis ang pagbabayad ng buwis ni Juan dela Cruz. Hindi siya mapapalaya sa pagbabayad ng sobrang buwis.

Ibinigay ng mga panukalang pagbabago sa Saligang Batas sa mga federadong estado ang kapangyarihan na magpataw ng bagong buwis. Garantisadong madadagdagan ang mga buwis na binibayaran ni Juan dela Cruz sa ilalim ng sistemang federal na iminumungkahi ng kasalukuyang gobyerno.

2. Nangangahulugan ang gobyernong federal ng isang transition period kung saan ang sick old man ay maghahari bilang diktador.

Kahit maraming pagkukulang ang kasalukuyang sistemang unitaryo ng gobyerno, hindi ito nangangahulugan na hindi na ito epektibo o gumagana ng maayos. Tanging ang mga baluktot na pag-iisip ng mga tagapagtaguyod ng federalismo lamang ang pawang nagsasabi na ang kawalan ng kaunlaran ng Pilipinas ay dahil sa sistemang unitaryo.

Tanging ang mga baluktot na pag-iisip ng mga tagapagtaguyod ang nagsasabing ang federalismo ang tanging gamot sa lahat nga mga dahilan ng hindi pagsulong ng bansa. Hindi totoo na mayroong isang pildoras para sa lahat ng uri ng sakit. Ito ay kathang isip lamang.

Ginagamit na panakip lamang ipinapanukalang sistemang federal sa isang mala-diyablong agenda. Ito ay ang pananatili ng tatsulok na MAD sa kapangyarihan. Binubuo ang MAD ng mga pamilya Marcos (BBM at Imee), pamilya Arroyo (GMA at Mike), at pamilya Duterte (ang sick old man at Sara). Sila ang nasa likod ng mala-demonyong agenda.

3. Nangangahulugan ng isang pagsalungat sa agos ng kasaysayan ang sistemang federal sa Pilipinas.

Ipinakita ng kasaysayan na nagkaisa ang mga hiwa-hiwalay na estado upang bumuo ng isang federasyon at magtayo ng isang gobyernong federal. Inilarawan ng mga bansang Alemanya, Switzerland, at Estados Unidos ang ganitong modelong pangkasaysayan. Iba ang kaso ng Filipinas kung saan ang isang buo ng bansa ay hahatiin sa 18 federadong estado. Sumasalungat ito sa takbo ng kasaysayan.

Kung saka-sakaling maging totoo ang ipinapanukalang pagkakaroon ng gobyernong federal, maaaring humiwalay ang ilan sa 18 federadong estado upang bumuo ng sariling bansa. Maaari rin silang humiwalay at sumama sa ibang federadong bansa tulad ng Malaysia at China. Maaari ring humiwalay ang ilang federadong estado upang bumuo ng sariling bansa. Mauuwi lamang ang federalismo sa pagkakawatak-watak ng bansa.

Isa itong paraan para sa pambansang pagpapatiwakal.

4. Tanging mga pamilyang pulitikal lamang ang makikinabang sa isang sistemang federal na tulad sa gustong ipatupad sa Pilipinas.

Magkakaroon ng kani-kanilang sariling kaharian ang mga matatabang pamilyang pulitikal sa isang federadong Pilipinas. Sapagkat walang batas na magpapatupad sa itinakdang pagbabawal sa mga dinastiyang pulitikal na naayon sa Saligang Batas ng 1987, ganap na dadausdos pababa ang Pilipinas sa sandaling manaig ang sistemang federal. Lalabagin nito ang mga pangunahing simulain ng demokrasya. Ibabaon ang bansa sa kakistriya kung saan ang mga mayayaman lamang ang maghahari.


#PunchTheLies🤛



#NoToFEDERALISM
#SaveDEMOCRACY
#DefendFREEDOM
#StandUpForYourRIGHTS

Note: Philip M. Lustre Jr. is a veteran journalist. He writes books, occasional opinion pieces for traditional and nontraditional media. To read more on his articles, views and opinions, follow him at:

Twitter@IpeLustre 

No comments:

Post a Comment