Friday, August 31, 2018

TAO PO! MAHUSAY SI GARY (By: Bobot Fradejas)


TAO PO!
Ni Bobot Fradejas

MAHUSAY SI GARY
KAPANSIN-PANSIN ang pagiging matatas ni Magdalo Party List Rep. Gary Alejano sa wikang Filipino. Panauhin siya sa lingguhang Saturday News Forum sa UP Hotel. Kaniyang ipinaliwanag ang kaniyang paninindigan sa maraming usapin ng bansa. Kasama sa kaniyang ipinaliwanag ang reklamong impeachment na isinampa niya at tatlo pang kasamang mambabatas laban sa pitong mahistrado ng Korte Suprema na bumoto para matanggal si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto na itinuturing na illegal at walang basehan.

Walang gatol si Cong Gary kapag nagsasalita sa wikang Filipino. Hindi siya kagalingan magpaliwanag nang maging panauhin namin siya tatlo o apat na taon ang nakalipas. Ngunit noong Sabao, katangi-tangi ang kaniyang tiwala sa sarili sa pagpapaliwanag. Matiyaga isinambit ni Cong Gary ang ilang tilamsik ng kaniyang ginintuang diwa. Buong linaw ibinahagi ng kinatawan ng Magdalo ang kaniyang mga paninindigan at paniniwala sa mga pangunahing usapin ng bansa.

Patunay ang paggamit niya ng mga salitang “pagkalugmok ng demokrasya,” “tahasang sinabi,” “pagkagapi ng paninindigan,” at marami pa sa forum. Hindi namin alam kung saang baul nahukay ni Cong Gary ang mga salitang iyan. Tipong klasikong Filipino ang mga salitang lumabas sa kaniyang bibig sa nakaraang forum. Walang kabastusan sa madaling salita. Wala siyang binabasa at pawang galing sa kaniyang memorya ang lahat ng namutawi sa kaniyang bibig.

Ipinanganak at lumaki si Cong Gary sa Negros Occidental. Naiintindihan namin na may kahirapan para sa mga ipinanganak sa Kabisayaan at Mindanao ang pagsasalita ng wikang Filipino na nakabase sa wikang Tagalog. Ipinanganak at lumaki ako sa Romblon at hindi ako nahihiyang sabihin na gumugol rin ako ng panahon upang maging matatas sa wikang Filipino. Lalo kong naramdaman ito nang ako ay tumungo sa Kamaynilaan at nag-aral sa kolehiyo.

Pagkatapos ng forum, naitanong namin sa kaniyang maybahay na si Minnie kung bakit naging matatas sa wikang Filipino si Cong Gary. Ipinaliwanag ni Minnie na talagang naghahanda si Cong Gary sa tuwing may mga forum siyang dadaluhan. Gabi pa lang ay nakaprepara na ang mga “talking points.” Gumugugol siya ng panahon upang maging makabuluhan ang mga salitang kaniyang bibitawan sa forum. Kapampangan naman si Minnie at tubong-Tarlac siya.

Mahusay na mambabatas si Cong Gary. Hindi siya pipitsugin na katulad ng maraming mambabatas na nagbubutas lamang ng bangko sa Kongreso. Sineseryoso niya ang kaniyang gawain bilang isang mambabatas na nagtataguyod ng mga simulain tulad ng pagtatanggol sa demokrasya. Hindi biro ang kaniyang tinahak mula sa pagiging isang sundalo patungo sa isang iginagalang na mambabatas. 

Hindi dapat kalimutan si Cong Gary sa 2019.
* * *  
“PABAON” ang taguri ni Cong Gary sa pagkakapili ng Pangulong Duterte kay Teresita de Castro bilang bagong punong mahistrado. Uupo si de Castro bilang lider ng Hudikatura sa loob ng 41 araw. Hindi namin maisip kung mayroon siyang maiaambag sa Hudikatura sa loob ng napakaikling panahon, ani Cong Gary sa forum.

Patunay na pinagbigyan lamang si de Castro ng pangulo upang mapalaki ang biyayang kaniyang makukuha kapag nagretiro sa Oktubre. Malaking hindi hamak ang mga benepisyong makukuha kung bababa siya bilang punong mahistrado at hindi ordinaryong mahistrado lamang. Pabaon sa kaniya iyon, aniya.

Lubhang malupit ang paninindigan at paniniwala ng maraming netizen sa pagkakapili kay de Castro. Dahil sa tinanggal nila si Sereno sa paraang illegal at walang batayan sa Saligang Batas, pekeng chief justice si de Castro, sabi ng isang netizen. Gantimpala iyan kay de Castro dahil pinanindigan niya ang pagaakusa, tagausig, at hukom kay Sereno, anang ibang netizen. Makapal at walang delikadesa si de Castro, anila. Hindi siya nahiya man lamang na manlamang sa kapuwa niya mahistrado para umangat siya, sabi ng isa pang netizen.

Nunit pinakamasakit ang taguri sa kaniya bilang “ampalaya.” Pawang kapaitan ang kaniyang sinabi sa public hearing sa Camara de Representante. Hindi namin malilimutan ang tanawing nakita namin siya sa telebisyon kapag humaharap siya sa komite ni Mindoro Oriental Rep. Reynaldo Umali sa Kamara. 

Kitang kita namin na nanlalaki ang dalawang butas ng kaniyang ilong, nangangalit ang kaniyang mga ugat sa leeg, at mas tumitining ang kaniyang maliit na boses. Umuusok siya sa galit dahil naunahan siya ni Sereno bilang punong mahistrado. Isang kakatwang tanawin kung kami ang tatanungin. Nakakawala ng respeto sa isang mahistrado. 
* * *
Tama si Cong Gary na mistulang “revolving door” – o umiikot ng pintuan - ang pagiging punong mahistrado. Hindi nalalayo sa chief of staff ng Sandatahang Lakas o director general ng Philippine National Police. May ilang buwan na ang natitira at magreretiro na ang isang opisyal, ngunit itinatalaga pa rin ng pangulo sa puwesto bilang pagbibigay pabaon sa kanila. Ganyan ang nangyayari sa Korte Suprema.


Sa Oktubre, muling magpupulong ang mga kasapi sa Judicial and Bar Council (JBC). Masinsinang nilang talakayin kung sino ang susunod na punong mahistrado. Isang prosesong babantayan ng bansa. Ngunit nakakasawa na ang ganitong proseso


#PunchTheLies🤛

#GaryAlejanoParaSaSenado2019
#GarySaSenado2019
#NoToFEDERALISM
#DefendDEMOCRACY

Note: Bobot Fradejas is a well known speaker, writer and columnist. He is hosting a regular forum every Saturday at University hotel. To read more on his articles, views and opinions, follow him at:

• THE POLICE FILES TONITE -“TAO PO” Ni Bobot Fradejas
• Facebook: https://m.facebook.com/bfradejas?tsid=0.054430363667635984&source=result

No comments:

Post a Comment