Monday, September 10, 2018

KAHIRAPAN AT IBA PA (By: Bobot Fradejas)


TAO PO!
Ni Bobot Fradejas

KAHIRAPAN AT IBA PA

TOTOONG mahirap ang maging mahirap sa Pilipinas. Karaniwan ang mga mahihirap ang nagpapasan ng mga epekto ng pagbulusok ng ating ekonomiya. Ito ang binigyang diin ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation. Binigyang diin ni Africa ang hindi kanais-nais na sitwasyon sa kaniyang pagharap sa regular na Saturday News Forum sa UP Hotel.

Pumalo ng 6.4% ang inflation noong Agosto. Ito ang national average, aniya. Dalawa’t kalahati ang laki sa 2.6% inflation noong Agosto ng nakaraang taon. Limang beses ang laki sa 1.3% rate inflation noong Hunyo, 2016, o sa pagsisimula ng administrasyong Duterte, ani Africa. Inflation ang sukatan sa paglobo ng mga halaga ng bilihin at serbisyo. Deflation ang tawag sa pagbaba ng mga halaga.

May teyorya na kailangan ang pagtaas ng halaga ng bilihin upang mabiyayaan ang mga gumagawa ng mga produkto at serbisyo sa bansa. Insentibo nila ang pagtaas ng halaga sapagkat dagdag na kita sa kanila iyon. Ngunit kapag lumaki ang presyo at hindi naman lumaki ang sahod, dumarating ang mas malaking problema. Nababawasan ang mga bumibili at nawawala ang kanilang inaasahang kita. 

Ayon kay Africa, napakahirap malaman kung babagsak ang presyo ng mga bilihin at serbisyo sa mga buwang papasok. Tumataas talaga ang halaga ng mga bilihin kapag pumapasok na ang panahon ng Pasko. Ipinaalala rin niya na darating ang pangalawang sigwa ng pagtaas ng mga bilihin bilang epekto ng TRAIN law sa Enero ng susunod na taon. May epektong pagtaas ng bilihin rin, aniya, dahil sa pagtaas ng presyo ng tubig.

Ito pa ang kaniyang sinabi:
.
•Iba-iba ang epekto ng inflation sa bawat income group dahil iba-iba ang kanilang paggastos ng kanilang kinikita. Para sa mga pinakamahirap na 30% na pamilya, tinatayang 57-60% ng kanilang kinikita ang napupunta sa pagkain. Para sa natitirang 70% na income group, aabot lamang sa 35-52% ng kanilang budget ang napupunta sa pagkain. 

Dahil sa pagkakaiba ng kanilang paggastos, tinatataya ng Ibon na mas mataas ang inflation sa mga pinakamahihirap na 30% ng populasyon kesa sa pambansang inflation average na 6.4%.

•Mas malaking pahirap ang paglobo ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa mga mahihirap dahil napupunta lamang ang malaking bahagi ng kanilang kita sa pagkain. Wala rin silang ipon upang gamitin sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin.

•Wala naman pagbabago sa takbo ng buhay ng mas nakakariwasa. Mayroon silang sapat na pera upang mabawasan ang epekto ng paglobo ng mga presyo ng bilihin. Ang mga pinakamahihirap ang magdurusa ng inflation. Mababawasan ang kanilang maaaring mabili.

•Sa kabuuan, nangangahulugan ang inflation ng dagdag na kagutuman at kahirapan para sa mga mahihirap. Posibleng maapaektuhan ang 250,000-500,000 pamlya na mapunta sa opsiyal na official poverty line. Daang libo ring pamilya ang makakaranas ng kagutuman.

•Sa pagtaya ng Ibon, nabawasan ang household purchasing power ng mga pinakamahihirap na 60% na pamilya ng P1,455 hanggang P3,800 dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa unang walong buwan ng taon.

•Ang pinakamasakit ay ang kawalan ng paraan ng gobyerno upang matugunan ang rumaragasang inflation. Nakikita ang kawalan ng programa ng gobyerno sa krisis sa bigas. Umaasa ang gobyerno sa pag-aangkat ng bigas sa ibang bansa. Wala itong ibinibigay na suporta sa mga magsasaka. Kung ihahambing ang programa sa bigas sa ibang bansa tulad ng Thailand at Vietnam, totoong napapag-iwanan ang Filipinas, aniya.

Samantala, maling-mali si Presidential Spokesman Harry Roque na kailangan magdeklara ng “state of calamity” upang maipataw ang price control, o pagpigil sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo. May sapat na poder ang administrasyong Duterte upang maipataw ang price control. Kung hindi nila gagawin ang price control, totoong wala silang pakialam sa mga mahihirap.
* * *
PANLOLOKO. Hindi dapat pagtiwalaan ang pangulo sa kaniyang sinabi na hihintayin na lamang ang pasya ng husgado tungkol sa usapin ng pagpapawalang-bisa ng amnestiya na unang iginawad kay Senador Antonio Trillanes IV. Maraming binola at nabola kaya nahalal na pangulo si Duterte. Mas maiging matyagang mabuti ang kaniyang gagawin sa usapin ni Trillanes.

Kataka-taka ang ginawang pagbubunyag ni Duterte na si Solicitor General Jose Calida ang may pakana sa pagpapawalang bisa ng amnestiya ni Trillanes. Mistulang hinubaran niya sa publiko si Calida. Mukhang alam niya na hindi nila makukuha sa husgado ang pagpapawalang-bisa ng amnestiya ni Trillanes. Kaya pilit niyang ibinabaling ang sisi kay Calida at hindi sa kaniya. Hindi kami magtaka kung sisibakin niya sa Calida.

Katata-taka rin ang pilit na ibinabando ni Duterte na may mangyayaring himagsikan sa Okubre. Magdedeklara ba siya ng “revolutionary government”? Ano naman ang basehan niya upang magdeklara ng revolutionary government? Wala siyang masabi maliban sa mahirap daw kontrolin ang Filipino.

 Hindi kami magtataka kung ang mismong Armed Forces ang kaniyang makalaban sa usapin ito. Hindi gusto ng Armed Forces ang revolutionary government. Malinaw sa kanila iyan. Ubod ng linaw. Malinaw pa sa kulay ng Apple Jam.


#PunchTheLies🤛

#LabananAngKahirapan
#IpaglabanAngKarapatan

Note: Bobot Fradejas is a veteran media man, speaker, writer and columnist. He is hosting a regular forum “SATURDAY NEWS FORUM” every Saturday at University Hotel. To read more on his articles, views and opinions, follow him at:


POLICE FILES TONITE -“TAO PO” Ni Bobot Fradejas

2 comments:

  1. Hi Maam @PunchTheLies,
    Avid fan niyo p ako. I always visit your site. This article “KAHIRAPAN AT IBA PA” helped me a lot sa project ko po in the school about inflation. Thank you po so much. Mabuhay po kayo maam.

    God bless po.
    Janice

    ReplyDelete