Tuesday, October 9, 2018

PAANO SI HARRY ROQUE? (By: Bobot Fradejas)

TAO PO!
Ni Bobot Fradejas

PAANO SI HARRY?

BANAUE, IFUGAO – Maski dito sa aming taunang bakasyon sa Cordillera, usap-usapan rin si Presidential Spokesman Harry Roque. Paano nga naman si Roque pagkatapos na itatwa siya ng Pangulong Duterte? Ituloy kaya niya ang pagtakbo bilang senador sa 2019 matapos siyang ipahiya ng Pangulo sa publiko at sabihin na wala siyang panalo?

Iisa ang aming opinyon: Aapela si Roque. Magmamakaawa, magsusumamamo, at maninikluhod sa pangulo upang mapasama sa line-up ng mga tatakbong senador sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Gagawa ng paraan upang maisama lang siya sa line-up.

Ngunit iba ang plano ng Pangulo sa kaniya. Nais niyang bumuo ng isang tanggapan na para kay Roque. Ngunit hindi pa alam kung ano ang tanggapang iyan. May mga nagbulong sa Pangulo na tunawin na ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at buhayin ang Office of the Press Secretary bilang kapalit ng PCOO.

Maaaring hirangin si Roque bilang Press Secretary, ngunit katanungan ang magiging kapalaran ni PCOO Secretary Martin Andanar. Mukhang masikip ang Office of the Press Secretary sa kanilang dalawa. Hindi papayag si Andanar na magpailalim kay Roque. Ngayon pa na nakagaan sa PCOO ang ginawang pagbitaw ng pabigat na si Mocha Uson. May mga kilala kami na nagtatrabaho ng matino sa PCOO. Inaasahan din namin tataas ang kalidad ng trabaho ng PCOO.

Sunod-sunod ang kapalpakan ni Harry Roque. Saan ba tayo makakakita ng tagapagsalita na siya mismo ang nagsasabing huwag seseryosohin ang Pangulo? Hindi maganda na ang tagapagsalita ang nagmamaliit sa kaniyang amo. Nagtitimpi lamang ang Pangulo. 

Nang magkaroon siya ng pagkakataon na makabawi sa kaniyang tagapagsalita, tahasang sinabi ng Pangulo na walang panalo si Roque dahil mababa ang kaniyang ratings sa mga survey. Isa itong panlilit sa kaniyang kakayahan. 

Kasama si Roque ni Special Presidential Assistant Bong Go sa pagkakaila na hindi nagpunta sa Cardinal Santos Hospital ang Pangulo noong Miyerkules ng madaling araw. Kumalat sa social media ang balitang nakitang pumasok ang Pangulo sa ospital ng alas tres ng madaling araw at tumuloy agad sa Laparoscopy Section. 

Hindi dumalo ang Pangulo sa nakatakdang kaganapan sa Malakanyang sa hapon kung saan ibinigay ng PAGCOR Chair at Chief Executive Officer Andrea Domingo ang tseke ng kontribusyon ng PAGCOR sa Office of the President social fund. Si Executive Secretary Salvador Medialdea ang dumalo at tumanggap ng tseke sa kaganapan.

Doon kumalat ang balita sa social media na nakita ang Pangulo sa ospital at maaring nagkaroon ng surgery. Kinabukasan, itinatwa ni Roque ang balita at sinabing nagkaroon lamang ng “private time” ang Pangulo. Ganoon lamang. 

May tonong panlilibak ang mga netizen sa pagsagot kay Roque. “Nagbabakasyon ang Presidente sa gitna ng pagtaas ng mga bilihin at kaguluhan sa bansa?” anang isang netizen. Walang matinong maisagot si Roque. 

Nang sumapit ang kinagabihan, dumalo ang Pangulo sa pagtitipon ng Philippine Military Academy Alumni Association (PMAAA) at ginimbal ang buong bansa ng aminin niya na nagpunta siya sa ospital at sumailalim sa endoscopy at colonoscopy, dalawang medical procedure na ginagamit upang malaman kung may sakit na kanser.

Inamin rin niya na kinuhanan siya ng laman sa malaking bituka upang magkaroon ng pangalawang opinyon at maberipika kung totoong may kanser siya. Ipinahiwatig niya na nasa pangatlong estado (3rd stage) ang kaniyang kanser bagaman walang opisyal na kumpirmasyon dahil hindi pa inihahayag ang resulta ng mga procedure.

Doon rin niya sinupalpal ang dalawang alalay. Ngunit nagbangong-puri si Roque at inamin na hindi naman siya sinasabihan ng ano talaga ang nangyayari sa kaniyang amo. Masakit sa kaniyang damdamin na supalpalin siya ng harapan.

May mga nagsabing hiniya si Roque sa harap ng mga opisyales ng AFP at PNP dahil sa ginawa ni Roque na panghihiya kay AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez. Kinampihan ni Roque si Solicitor General Jose Calida na tama si Makati RTC Judge Elmo Alameda sa kaniyang desisyon na buksan ang kasong rebelyon ni Senador Antonio Trillanes IV.

Kinontra rin ni Roque ang sinabi ni Galvez na totoong naghain ng amnestiya si Trillanes sa Department of National Defense. Mukhang nainis si Galvez sa pagpapahayag ni Roque ng sariling opinyon sa isang usaping wala naman siyang talagang alam. Hindi pwedeng basta kokontrahin ni Galvez ang mga naunang pahayag ng kaniyang record custodian.

Kaya pasimpleng hiningi ni Galvez ang ulo ni Roque. Ibinigay naman ng Pangulo ang munting kahilingan ni Galvez dahil kailangan niya ang suporta ng militar. Hindi ganap na nauunawan ni Roque ang kalakaran ng mga taong nasa poder. 

Kawawang Harry Roque. Nakakaawa nga ba?


#PunchTheLies🤛

Note: Bobot Fradejas is a veteran media man, speaker, writer and columnist. He is hosting a regular forum “SATURDAY NEWS FORUM” every Saturday at University Hotel. To read more on his articles, views and opinions, follow him @ 

“POLICE FILES TONITE - TAO PO Ni Bobot Fradejas”

1 comment: