Wednesday, November 14, 2018

SAMIRA GUTOC (Ni Bobot Fradejas)


TAO PO
Ni Bobot Fradejas


SAMIRA GUTOC

Bagito si Samira Gutoc-Tomawis sa larangan ng pulitika. Walang karanasan pagdating sa halalan dahil hindi niya naranasan manikluhod at humingi ng boto mula sa sambayanan, isang malaking hamon na tanggapin niya ang nominasyon na tumakbo bilang senador sa ilalim ng Oposisyon Koalisyon (OK) kasama ang pito pang kandidato.

Nominado ng iba’t-ibang civil society group na kasama sa OK, kinilala ng mga grupong demokratiko ang kaniyang marubdob na hangarin para sa katahimikan at pagkakaisa ng bansang Filipinas. Kapayapaan ang sigaw ng kaniyang puso at damdamin.

Isang lider sibiko, manunulat at mamamahayag, at masidhing tagapagtaguyod ng mga karapatan ng kababaihan at pangangalaga sa kaligiran, nagsilbi si Samira matapos hirangin siya ni Presidente Noynoy Aquino bilang kasapi ng Regional Legislative Assembly ng Autonomous Region for Muslim Mindanao. Bagamat hinirang rin siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kasapi ng Bangsamoro Transition Commission na gumawa ng burador ng Bangsamoro Basic Law, nagbitiw siya bilang protesta sa ginagawang panliliit ng pangulo sa mga kababaihan.

Aktibo si Samira sa pagtulong sa mga nasalanta sa ginawang pagbomba ng militar sa Marawi City, partikular ang pinagkanlungan diumano ng mga rebeldeng Muslim sa kasagsagan ng pagsakop ng mga puwersang kabilang sa ISIS. Kinilala siya bilang isa sa mga lider ng Ranao Rescue Team.

Maaalaala si Samira sa kaniyang mga binitiwang madamdaming talumpati sa Kongreso noong Hulyo 2017 tungkol sa ginawang pang-aabuso ng militar sa Marawi City. Kilala rin siya bilang isang dating mamamahayag na naging correspondent ng pahayagang Philippine Daily Inquirer sa Marawi City.

Sa kaniyang pagharap sa regular na Saturday News Forum sa UP Hotel, sinabi ni Samira na tumututol siya sa anumang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao. Sa ganang kaniya, hindi nagdulot ng maganda ang idineklarang batas militar sa Mindanao.

Tutol rin si Samira sa mga nangyayaring patayan, o extrajudicial killings (EJKs) sa buong bansa sa ilalim ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Iba pa rin na may pangingibabaw ang batas sa bansa, aniya.


Sa ginawang open forum, hayagang sinabi ni Samira na batid niya na kapag nahalal siya sa Senado, magiging senador siya ng lahat ng Filipino—Muslim, Kristiyano, at iba pa. Kaya mayroon siyang ginawang listahan ng mga simulain na kaniyang itataguyod sa Kongreso at panukalang batas na ihahain sa Senado. Kasama dito ang panukalang edukasyon tungkol sa kapayapaan. Nais ni Samira na tuluyang mawala sa aklat ng mga kabataang nag-aaral ang anumang panlalait o panlilit sa mga Muslim, Lumad, at iba pang katutubo at pagbibigay diin sa lahat bilang mga Filipino. Gusto niyang mawala ang mga talata tungkol sa karahasan at bigyan ng puwang ang kapayapaan, katahimikan, at kaunlaran ng Filipinas.

Nais rin niyang bigyan ng totoong ngipin ang kasalukuyang Anti-Discrimination Law at ipagdiinan na bigyan ng pagkakataon lalo na sa hanapbuhay ang mga katutubong Filipino. Naniniwala si Samira sa prinsipyo ng affirmative action, o pagbibigay puwang sa mga katutubo.






* * *

HUMARAP rin sa forum si Rey Cortez , kasalukuyang Secretary-General ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), na mariing kumondena sa ginawang pagpaslang kay Ben Ramos, manananggol ng mga sakada ng tubo sa Negros Occidental at ng mga pamilya ng pinatay na siyam na manggagawa sa tubuhan sa Sagay City.

Hindi dapat pinapatay ang mga manananggol sapagkat ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin bilan mga opisyal ng hukuman, ani Cortez. Tinatayang nasa 32 o 33 ang mga pinatay na mga abugado sa ilalim ng administrasyong Duterte. Marami sa mga pinaslang ang mga manananggol na humahawak ng mga pamilya ng mga pinatay sa ilalim ng madugong digmaan kontra illegal na droga, aniya.

Kapag pinapatay ang mga manananggol, tuwirang tinatanggalan ang kanilang mga kliyente ng karapatan upang mabigyan ng payong legal. Tinatanggalan rin sila ng karapatan na magkaroon ng hustisya sa ilalim ng sistemang legal, aniya. Tuwiran niyang ibigay ang sisi sa militar.


“Nakasalalay sa ating mga kamay ang kinabukasan ng ating bayan. Kung alam mong nagkamali ka sa pagboto noong nakaraang halalan, panahon na upang ituwid ito sa darating na halalan. Maging matalino sa pagboto para sa tunay na pagbabago.” ~ @PunchTheLies

#PunchTheLies🤛

Note: Bobot Fradejas is a veteran media man, speaker, writer and columnist. He is hosting a regular forum “SATURDAY NEWS FORUM” every Saturday at University Hotel. To read more on his articles, views and opinions, follow him @ 

“POLICE FILES TONITE - TAO PO Ni Bobot Fradejas”

No comments:

Post a Comment