Wednesday, December 5, 2018

‘BOY TSONGKI’ (Ni Bobot Fradejas)

TAO PO
Ni Bobot Fradejas

‘BOY TSONGKI’

PINAGPISTAHAN ng maraming netizen ang pahayag ni Pangulong Duterte na humihithit siya ng marijuana upang magising. Bagaman mabilis pa sa alas-kuwatro na binawi ng Malacanang ang pahayag at sinabing biro lamang ito, hindi tumigil ang mga netizen sa kanilang mga kantiyaw at patusada sa pangulong mistulang isang matandang bangag at gusgusin na humihithit ng rugby sa kanto ng Recto at Avenida Rizal.


(Courtesy: PCOO)

Tinawag siya na “Boy Damo” ng ilang netizen; “Boy Durog” naman sa iba. Pinakagusto namin ang taguri sa kaniya na “Boy Tsongki” ng pilyang netizen na pinangungunahan ni Mylene Otis. Hindi namin maiwasan ang mapangiti sapagkat marijuana ang pangunahing droga noong aming kabataan. Kailan lamang kumalat ang shabu.

Lalong sumaya ang eksena ng pumasok si Senate President Tito Sotto na iwinawasto ang nadurog na pag-iisip ng pangulo. Hindi pampagising ang marijuana, ani Sotto. Pampatulog iyan, aniya. Hindi namin maiwasan na isipin kung bakit alam ni  Sotto ang amats ng marijuana. Nag-aral siya sa Letran College. Hindi ito naiiba sa San Sebastian College kung saan kami nag-aral.

Parehong reformatory schools ang Letran at San Sebastian. Tapunan ito ng mga kabataang pansamantalang naliligaw ng landas. Kaya nasisilip kahit paano ang takbo ng pag-iisip ni Tito Sotto.

Hindi kami sang-ayon na palagi na lamang sinasabi ng mga utusan at alalay na nagbibiro lamang ang dulasing pangulo kapag sumasabit ang kaniyang binibitiwang salita sa publiko. Dalawa lamang ang dahilan kung bakit nagkakasabit-sabit ang kaniyang mga pahayag: una, wala siyang paggalang sa publiko kaya hindi niya pinag-iisipan ng ganap ang mga pahayag; at pangalawa, bangag rin siya.

Hindi rin kami sang-ayon sa sinasabi ng kaniyang mga alalay at utusan na huwag seryosohin ang pangulo. Huwag seryosohin? Ngunit siya ang pangulo. Siya ang pinuno ng lahat ng Filipino. Sino ang dapat seryosohin pagdating sa pamamalakad ng bansa? Tanging sa Filipinas lamang mayroong presidente na sinasabi ng kaniyang mga utusan at alalay na huwag seryosohin. Onli in da Pilipins.
* * *  
HINDI namin alam kung nasa wastong pag-iisip ang dating Regent Spooky Farolan ng University of the Philippines. Siya ang nominado ng Pangulong Duterte sa Board of Regents ng UP, ngunit tanging siya ang nagkalat upang mapasama ang pamantasang dating kinakatawan niya. Tanggal na siya sa Board of Regents. Binawi ng Board of Regents ang muling nominasyon upang manatili siya sa puwesto.

Laro lamang ang basketbol. Bagaman may nakatayang karangalan sa bawat laro, hindi ito dapat mauwi sa karahasan. Pakikipagkaibigan at pakikipagkapuwa tao ang layunin ng bawat laro. Mukhang hindi ito naiintindihan ni Spooky. Sa huli, mismong ang kaniyang sariling Board ang nagtatwa sa kaniya. Isinuka siya.

Sira ang pangalan ni Spooky. Mamumuhay siya sa kahihiyan sa natitirang buhay niya sa ibabaw ng daigdig. Teka nga pala. Bakit ba palaging may suliranin sa mga nominado ng pangulo. Kapareho niyang bastos at walang galang kapag nagsasalita?
* * * 
May napipintong muling pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa sandaling ipatupad sa Enero ng administrasyong Duterte ang probisyon ng TRAIN Law na nagpapataw ng excise taxes sa mga fuel products tulad ng gasolina, kerosina, at diesel. Ito ang kinakatakutan sa ngayon.

Nagharap ng panukala sa pangunguna ni Sen. Bam Aquino na suspindihin muna ang pagpaptupad ng mga bagong excise taxes, ngunit mukhang itutuloy ng gobyerno ang naunang plano na kunin sa mga bagong buwis ang itutustos sa panukalang dambuhalang pambansang budget ng P3.8 trilyon para sa 2019. Election year ang 2019; kapag hindi nag-ingat ang gobyerno, malamang durog ang kandidatong ihaharap nito sa sambayanang Filipino.

Marami rin ang kinakabahan sa mga kandidato ng administrasyon. Paano sila mananalo kung ang tingin sa kanila ng sambayan ay mga pahirap sa bayan? Unang kinakabahan ang anim na reeleksiyonistang senador na bumoto sa pagsasabatas ng TRAIN Law. Dahil sa kanila, pumasa ang TRAIN Law at dito nag-umpisa ang kalbaryo.

Narito ang kanilang pangalan: Grace Poe, Sonny Angara, Nancy Binay, Cynthia Villar, Koko Pimentel, at JV Ejercito. Huwag na huwag silang muling ihahalal.

Sa huling pagharap ni JV Ejercito sa publiko, hindi niya maipaliwanag kung ano ang marapat gawin upang mapigilan ang paglobo ng halaga ng mga pangunahing bilihin na sanhi ng TRAIN Law. Pinagtawanan si JV nang kaniyang ipagpilitan ang pagpapatupad ng Build, Build, Build at pagpapaunlad ng transport system.

Mukhang hilo si JV at hindi niya totoong alam na matagal pa ang epekto ng Build, Build, Build at transport system sa pambansang ekonomiya. Hindi kara-karakang may epekto ang mga iyan sa presyo ng mga bilihin. Nakapaling rin ang utak ni JV.


#PunchTheLies🤛

#NoToBoyTSONGKI
#NoToTrainLaw
#NoToFuelTaxHike
#NoVoteToTrainPushers


Note: Bobot Fradejas is a veteran media man, speaker, writer and columnist. He is hosting a regular forum “SATURDAY NEWS FORUM” every Saturday at University Hotel. To read more on his articles, views and opinions, follow him at: POLICE FILES TONITE - TAO PO Ni Bobot Fradejas

No comments:

Post a Comment