Thursday, August 22, 2019

Ex-Mayor Antonio Sanchez, Mapapalaya?

Ex-Mayor Antonio Sanchez, Mapapalaya?
Rape • Murder • Drugs

by: @PunchTheLies

Muling umingay ang pangalan ng dating alkaldeng nakakulong sa New Bilibid Prison na si Antonio Sanchez. Ito ay dahil sa balitang mapapalaya na siya.

Bumalik ang matinding sugat, sakit at bangungot sa pamilya ng noo’y ginahasa at pinatay na sina Eileen Sarmento at Allan Gomez. Umiiyak si Ginang Ma. Clara Sarmento sa kanyang interview sa DZMM Telereadyo dahil sa balitang mapapalaya na ang taong walang awang gumahasa at utak sa pagpatay ng kanyang anak na si Elileen Sarmenta.

Marahil marami ang hindi nakakaalam ng detalye tungkol sa kasong ito sa panahon ngayon lalo na sa mga kabataan. Isa ito sa mga pinakamalaking kaso na tinutukan ng media at ng sambayanan noon at isa na ako doon sa mga sumubaybay at tumutok. Bilang kabataan at estudyante noon, matinding awa ang ating naramdaman para sa mga biktima at matinding galit sa mga taong sangkot lalo na sa itinurong utak ng krimen na si Antonio Sanchez.

Inabot nang dalawang taon ang paglilitis bago nahatulang guilty ang utak ng krimen na si  Antonio Sanchez. Sino si Antonio Sanchez? Ating balikan ang kwento ng kasong ito.

Si Antonio Sanchez ay dating mayor ng Calauan, Laguna na nakulong matapos napatanunayan at nahatulang guilty sa panggahasa at pagpatay kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez, magkasintahan at parehong estudyante ng UP Los Baños. 

Hinatulang guilty ng Pasig City Regional Trial Court si Sanchez at pinagtibay ito ng Korte Suprema. Siya ngayon ay nakakulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.

Hunyo 29, 1993 noong natagpuan ang mga nakakaawang bangkay ng magkasintahanh Eileen Sarmenta at Allan Gomez, parehong estudyante ng UP Los Baños, sa magkaibang lugar malapit sa Calauan, Laguna. 

“Love triangle" ang motibo at si Kit Alqueza, dating kasintahan ni Sarmenta at anak ng noo’y General Dictador Alqueza ang unang itinurong suspek sa pagpatay kay Gomez na kanyang kaibigan ayon sa mga naunang imbestigasyon ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC) na pinamumunuan ng noo’y Vice President Joseph Estrada sa ilalim ng administrasyon ni President Fidel Ramos. Paghihigante ang kanilang teorya dahil nakikipag-date na daw umano ang dating kasintahan sa kanyang kaibigan na si Gomez. Hindi ito pinaniwalaan ng karamihan, maging ang pamilya  ng mga biktima ay paniwala na inosente si Alqueza. 

Ngunit nag-iba ang kuwento nang lumantad na ang mga star witnesses na sina Aurello Centeno at Vicencio Malabanan noong Agosto 13, 1993 at ikinagulat ng lahat nang biglang sumabog ang pangalan ng noo’y Mayor Antonio Sanchez ng Calauan, Laguna.

PAGDINIG:

Ayon sa mga star witnesses na sina Centeno at Malabanan, parehong bodyguards ni Sanchez, dinukot nila sina Sarmenta at Gomez, pero hindi nila umano ginahasa si Sarmenta at wala din silang kinalaman umano sa pagpatay. Sinabi nila sa korte na noong Hunyo 28, 1993, nakasakay sila sa ambulansya, kasama sina George Medialdea, Luis Corcolon, Rogelio Corcolon, Baldwin Brion, Zoilo Ama, at Pepito Kawit upang hulihin ang isang drug pusher at gun-runner. Si George Medialdea ay Deputy Chief noon ng Calauan PNP.

Ayon sa kanilang salaysay, habang sila’y nasa biyahe, sinabi ni Luis Corcolon na mayroom silang kukunin na isang magandang babae na kursunada ni Mayor Sanchez. Dukutin daw nila at ibigay bilang regalo kay Mayor. 

Nahanap nila sina Sarmenta at Gomez sa nakaparadang Tamaraw van sa Agrix Complex ng UPLB. Tinutukan nila ang magkasintahan ng baril kaya wala umano silang nagawa.

Ayon kay Centeno na nagsilbing driver ng ambulansya, niradyuhan ng noo’y Deputy Chief na si Medialdea ang isang lalaki na tinatawag niyang boss. Dinala umano ang magkasintahan sa Erais Farm na pagmamay-ari ni Sanchez sa Barangay Curba.

Nang dumating si Sanchez, sinabi ni Luis Corcolon na ang babae na si Sarmenta ay regalo nila sa kanya, at sinabing idinamay na din nila umano si Gomez upang hindi mabulilyaso.

Dinala si Eileen Sarmento sa kuwarto ng noo’y alkalde, samantalang ang kasintahan na si Allan Gomez ay ginulpi umano at binubugbog nila sa labas.

Inilabas na ng kuwarto si Sarmenta alauna na ng madaling araw (1:00 A.M.) at isinakay ang magkasintahan sa isang van na sinundan ng ambulansya. Unang ibinaba umano si Allan Gomez na noo’y may tama na ng bala sa ulo dahil unang binaril na siya sa loob ng sasakyan. Nang nakahandusay na ang binata ay muli umano itong pinagbabaril. 

Samantala, dinala naman umano si Eileen Sarmenta sa tubuan sa Sitio Paputok na kung saan ginahasa din umano ng mga iba pang 6 na suspek. Pagkatapos ng panggahasa, ay pinagbabaril na din si Sarmenta gamit ang armalite. Iniwan nila ang van kung saan nila iniwan ang katawan ni Sarmenta. Nahanap ang mga bangkay ng magkasintahan kinabukasan. 

Dahil sa testimonya nina Centeno at Malabanan, inaresto si Sanchez, August 13, 1993. Tinutukan siya ng sambayanan. Maraming natuwa dahil umpisa na ito ng inaasam ng lahat ng hustisya. Maraming nagulat lalo sa mga residente ng Calauan, Laguna dahil ang pagkakilala nila sa noo’y alkalde ay isang relihiyoso. Marami siyang koleksyon ng mga rebulto at imahe ng Birheng Maria, at may palakad-lakad pa siya ng nakaluhod sa simbahan habang siya’y nagdadasal. 

Matapos ng labing anim na buwan ng pagdinig, inilabas ng Pasig City Regional Trial Court ang 132 pahinang desisyon at hinatulang guilty si Antonio Sanchez, kasama ang noo’y Deputy Chief Medialdea, Ama, Brion, Kawit at ang magkapatid na Corcolon sa pitong kasong Rape with homicide, Marso 11, 1995. 

Enero 25, 1999, pinagtibay ng Korte Suprema and desisyon ng Pasig City Regional Trial Court, at noong Agosto 29, 1999, hinatulan ng Korte Suprema ang noo’y alkalde na si Antonio Sanchez ng double life sentence sa magkahiwalay na kaso. 

MAPAPALAYA?

Buong akala ng pamilya nina Sarmenta at Gomez, maging ang sambayanan, ay nakamit na ang kanilang hustisya, ngunit tila ang akalang ito ay mapupunta na naman sa wala dahil kabilang umano si Sanchez sa 11,000 na mapapalaya sa ilalim ng administrasyong Duterte sa susunod na dalawang buwan. Hinala ng pamilya ni Eileen Sarmenta, na may kinalaman si Presidential Spokesperson Salvador Panelo dahil sa siya umano ang legal counsel noon ni Sanchez. Iginiit naman ni Panelo na wala siyang kinalaman dito. 

Tanong ni Ginang Maria Clara Sarmenta, nanay ni Eileen Sarmenta, kung paano naging karapat-dapat makalaya si Sanchez. 

"Paano naman sasabihin maniniwala ako na good behavior si Sanchez? Hindi ba, kayo alam niyo sa media, maraming kontrabandong ginawa si Sanchez noong nandoon siya sa Bilibid, hindi ba? May shabu-shabu, may kung ano-ano... Sasabihin nila na well-behaved si Sanchez, hindi katanggap-tanggap sa akin 'yun kasi hindi naman natin nakita na tahimik siya...Gumawa ba siya ng maganda sa Bilibid?” sabi niya sa kanyang interview sa DZMM Teleradyo. 

Bumait at “deserves second chance” daw sabi ni Sen. Bato dela Rosa. Bumait nga ba?

Taong 2006, naiulat na may kasong naihahin laban kay Sanchez na drug possession ng  shabu at dahon ng marijuana. Makalipas ng apat na taon, nahulihan na naman siya ng isang kilo ng shabu na nakatago sa isang imahe of rebulto ng birheng Maria na diumano’y ibinenta sa halagang P1.5 milyon sa kapwa niyang mga mga bilanggo. Noong 2015, nakumpiska naman mula sa kanya ang umano’y isang air conditioning unit at flatscreen TV ay sa kanyang selda. 

Kung ganun, hindi maaaring makalaya si Sanchez. Paano masasabi ni Bato na bumait at “deserves second chance” ang isang rapist, mamamatay at durugistang ito?

DEATH PENALTY?

Si Bato dela Rosa ang nagsusulong sa parusang death penalty para sa mga durugista, rapist, pero aprupado din sa kanya ang paglaya ng isang nahatulang ropist at mamamatay? 

Ang kasong ito ay isa lang sa mga nagpapatunay na ang death penalty ay hindi maaaring maipatupad dahil sa maling sistema sa hustisya. Ang mga kilala at malalaking tao, mga may kapit sa gobyerno ang nabibigyan ng katarungan, samantalang patuloy din maaapakan ang mga walang kakayahan, mahihirap at mga walang makapitan.


#PunchTheLies🤛


#JusticeForEileenAndAllan
#NoToDeathPenalty

1 comment:

  1. Huhuhu ganito po pala kagrabe parang movie lang. Thanks for sharing the story maam @PunchTheLies. Umiiyak po ako sana tlaga di na mkakalabas ang hayop na sanchez hanggang mamatay sa loob. Salamat din po dahil na-point out mo kung bakit di pwede ang death penalty. Please keep writing po. God bless at mabuhay po kayo.

    ReplyDelete